Handa, Awit

Sa wakas nahanap din kita

  • Sa wakas nahanap din kita
  • Ilang taon na rin akong paikot-ikot sa bakurang ito
  • Nabaligtad ko na ang lahat ng mga bato
  • Nahawi ko na ang bawat piraso ng damo
  • Hinalughog ko na ang langit at lupa
  • Para sa nawawalang kapiraso ng aking dibdib
  • Ang buto na kukumpleto sa balangkas ng imahe ng pag-ibig
  • Sa panaginip sinundan ko ang mga iniwan mong bakas
  • At sa pagbukas ng aking mga mata sa wakas nahanap din kita
  • Totoo pala 'yung mga kwento nila
  • Naalala ko sabi nila sa 'kin
  • Kapag natagpuan mo na daw ang hinahanap mo
  • At bumaligtad ang iyong sikmura
  • Nanghina ang mga tuhod mo
  • Bumilis ang tibok ang puso mo
  • At hindi mo mapigilan ang nginig sa iyong mga kamay
  • Nagkakamali ka hindi siya ang hinahanap mo
  • Dahil kapag nahanap mo na daw ang tinadhana sa 'yo ng kalawakan
  • Sabi nila kasabay mong matatagpuan ang kapayapaan
  • Ang lubag ng loob ang kalma
  • Na parang bago pa magtagpo ang ating mga katawan
  • Matagal na itong pinlano ng ating mga kaluluwa
  • Na minsan hindi tayo magkasya sa isang dibdib
  • Kaya't pinaghiwalay tayo ng may likha
  • Para balang araw kapag naikot ko na ng sapat na beses
  • Ang mga pader sa pagitan nating dalawa
  • Ang mga ito ay tutumba
  • At sa wakas kapag humupa na ang sigwa
  • Matatagpuan din kita at natagpuan nga kita
  • Sana hindi ako nagkamali
  • Dahil minsan na akong naging bala ng tirador
  • Na hinawakan ng mahigpit at hinatak papalapit
  • Para lamang bitiwan at palayain iwang lumilipad sa hangin
  • Hindi ko alam kung saan ako babagsak
  • Pero dinala ako ng tadhana sa bakurang ito
  • At naniniwala akong lahat ng bagay ay may dahilan
  • Dahil naniniwala ako sa kanya
  • Sa may hawak ng tirador na pumuksa
  • Ng mga higante sa aking dibdib
  • Noong mga panahong wala pang lakas
  • Ang aking mga bisig
  • Pero ngayon masasabi kong handa na ako
  • Handa na akong muling sumugal
  • Handa na akong muling magmahal
  • Handa na akong lumabas sa aking bangka
  • Kahit ilang beses na akong nagtangka at lumubog
  • At nalunod sa kasinungalingan na ang pag-asa
  • Ay isang pantasya na binubulag ako sa katotohanan
  • Alam kong ang katotohanang andito ka ngayon
  • Sa aking harapan ay hindi ko kagagawan
  • Pero sa wakas nahanap din kita
  • Dahil ngayon handa na ako
  • At ang tanging panalangin na
  • Isinisigaw ko sa hangin ay sana ikaw rin
  • Handa ka na ba
00:00
-00:00
Lihat butiran lagu
🖤

34 2 4277

10-6 10:34 realmeRMX2030

Carta hadiah

Jumlah: 3 24

Komen 2